Nation

PAGPAPATIBAY SA UP-DND PACT ISINUSULONG SA KAMARA

/ 21 January 2021

PINANGUNAHAN ng Makabayan bloc sa Kamara ang paghahain ng resolusyon para kilalanin pa rin ang 1989 accord sa pagitan ng University of the Philippines at ng Department of National Defense.

Inihain nina Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago, ACT Teachers Partylist Rep.  France Castro, Gabriela Women’s Partylist Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Partylist Reps. Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat ang House Resolution 1491 na nagsusulong din ng pagkilala sa iba pang kasunduan sa ibang educational institutions.

Sa resolusyon, ipinaalala ng mga kongresista na mismong ang Konstitusyon ay kumikilala sa academic freedom sa lahat ng institution of higher learning.

“Academic freedom fosters truth-seeking and critical thinking and is integral to democracy and national development,” pahayag sa resolusyon.

Ipinaliwanag pa ng Makabayan bloc na ang probisyong ito ng Konstitusyon ang batayan ng mga kasunduang pinasok ng DND upang ma-regulate ang presensiya ng mga pulis at sundalo sa loob ng mga campus upang magkaroon ng kalayaan ang mga estudyante na makapag-isip, makapagsalita, makakilos at makapaghayag ng kanilang mga pagkontra sa mga polisiya at programa ng gobyerno.

“The agreements were in response to widespread human rights violations during and after martial rule, and borne out of democratic rights movements,” dagdag pa sa resolution.

Gayunman, iginiit ng mga mambabatas na paulit-ulit na ring nilabag ng militar ang kasunduang ito sa mga nakalipas na taon.

Nanindigan ang grupo na ang kasunduan ay mutually binding kaya hindi maaaring i-terminate ng isang panig lamang.

Nangangamba ang mga mambabatas na ang one-sided na termination ng kasunduan ay magresulta sa extensive campus militarization at matinding pag-atake sa human rights.