4K ABRA STUDENTS BENEPISYARYO NG DEPED-DA MILK FEEDING PROGRAM
HINDI bababa sa 4,000 mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan sa Abra ang benepisyaryo ng inilunsad na School-Based Milk Feeding Program ng Department of Education at Department of Agriculture-Philippine Carabao Center noong Enero 15.
Pinangunahan ni Abra Schools Division Officer Health Section Officer Dr. Apolinar Turqueza ang nasabing gawain na bahagi ng kanilang inisyatibang maipagpatuloy ang feeding program kahit na walang face-to-face classes sa mga paaralan.
Ayon kay Turqueza, ang Milk Feeding Program, bukod sa siksik sa nutrisyon, ay nagsusulong din na maging bahagi ng araw-araw na pamumuhay ang pag-inom ng gatas.
Hindi umano ito dapat matigil ng pandemya sapagkat kahit na sa bahay lamang nananatili ang mga mag-aaral ay kailangan pa rin nilang manatiling malusog, lalo ngayong lumalaganap ang Covid19.
“This program will not only bring nutritious products for undernourished learners for a short period of time but also improve their milk drinking habit as they grow up,” pagbibigay-diin niya.
Gayundin, ito’y kasama sa malawakang hakbangin ng DepEd at DA tungo sa pag- iinstitusyonalisa ng national feeding program para sa mga undernourished na mag-aaral sa lahat ng pampublikong paaralan sa Filipinas.
Siniguro naman ni SDO Assistant Superintendent Dr. Soraya Faculo na hindi wawakasan ng Abra ang naturang gawain at patuloy na paglalaanan ng pondo ang feeding program hanggang sa mga susunod na taon.