UPDATED AT MALINAW NA GUIDELINES SA GRADING SYSTEM IPINALALABAS SA DEPED
PABOR ang mga guro sa panukalang isinusulong sa Kamara na magkaroon ng automatic passing mark ang mga K-12 student na nakatutugon sa mga aktibidad at modules na ipinagagawa sa kanila upang mabawasan ang pressure at mapangalagaan ang mental health ng mga estudyante.
Sa virtual hearing ng House Committee on Basic Education, Culture and Arts na pinangunahan ni Pasig City Rep. Roman Romulo, tinalakay ang House Bill 7961 o ang proposed Covid19 Scholastic Leniency Act na inihain nina Bukidnon Third at First District Representatives Manuel Antonio Zubiri at Maria Lourdes Acosta-Alba.
Ipinaliwanag nina Zubiri at Acosta-Alba na dahil sa Covid19 pandemic, nasusubok ang mental health ng mga Pinoy, partikular ng kabataan.
Sa pagdinig, sinabi ni Teacher Kris Navales, miyembro ng Alliance of Concerned Teaachers, na suportado nila ang panukala maliban lamang sa probisyon na kinakailangang perfect ang attendance ng estudyante at nakatutugon sa lahat ng aktibidad para makuha ang pasadong marka.
“We appreciate but on the issue of complete attendance, requirements, quizzes, etc parang mas mahigpit siya kaysa ngayon,” paliwanag ni Navales.
Sinabi pa ng guro na marami sa mga estudyante ang hindi nakakapasok sa online classes dahil ang iba ay walang gadgets, walang pang-load para sa internet connection o mahina ang koneksiyon.
“Maganda ring nababanggit ang pagre-relax sa grading system. Kaunti lang ang pumapasok sa mga klase, babagsak ba sila? Saan ang liniency kung complete attendance. Mahirap ibagsak ang isang estudyante sa panahon ng pandemya na lahat ay apektado,” diin pa ni Navales.
Aminado rin si Navales na sa ngayon ay nagiging compliant na lamang ang mga estudyante sa mga requirement tulad ng pagpapasa ng module subalit nawawala na ang pagkatuto.
Hiniling ng guro sa Department of Education na maglabas na ng bagong grading system dahil sa ngayon, ang tinanggal pa lamang sa sistema ay ang 40 percent sa periodical test.
Sinabi pa ni Navales na sa ngayon halos wala namang ipinagbago ang academic rules ng DepEd maging sa performance ng mga guro.
Alinsunod sa panukala, kabilang sa requirement ang pagdalo sa mga session na itinakda ng guro o paaralan, pagsusumite ng required papers, projects at iba pang academic requirements; nakasali sa mga quiz, recitation at exam at nakatugon sa minimum standards para sa personal behavior.
Kung may mga estudyante naman na makatatanggap ng bagsak na grado, kinakailangang magbigay ang paaralan ng remedial action.
Ipinagpaliban ng komite ang pagpasa sa panukala upang mapag-aralan pa ang ibang probisyon at makuha ang stand ng DepEd makaraang walang kinatawan ng ahensya ang dumalo sa pagdinig.