Nation

VINCENTIMENTS’ SHORT FILM ‘ONLINE CLASS’ KINUYOG NG BATIKOS

/ 10 August 2020

KINUYOG ng kritisismo ang Kung Puwede Lang Short Film ‘Online Class’ ng VinCentiments tungkol sa pagpapasinaya ng online classes ngayong darating na pasukan.

Ang siyam na minutong short film ay may subok na pagtalakay sa mga “reklamo” ng mga mag-aaral na sasabak sa online na moda ng edukasyon ngayong Agosto. “NARITO NA ANG MGA NAKALAP NA HINAING NG MGA NAG-OONLINE CLASS!!!,” ayon sa deskripsiyon sa YouTube Channel.

Subalit gaya ng mga isyung madalas na ipinupukol sa Direktor nitong si Darryl Yap at sa pangunahing karakter nito na panay ang sigaw at pulos pagmumura ang iskrip, “hindi makatarungan” ang paglalatag nito sa mainit na paksang pinagdedebatehan ng laksang mga mamamayan sa kasalukuyan.

Kinokondena ng UP College of Education Student Council ang ganang pelikula. Anila, iresponsable, insensitibo, at pangyuyurak ito sa mahirap at nagbabagong papel ng mga guro sa lahat ng mga institusyon sa Filipinas. Isinulat nila ang naturang opinyon sa isang open letter, habang tinatawagan ang pansin ng Kagawaran ng Edukasyon upang mabigyan ng karampatang aksiyon ang pambabalasubas ni Yap.

“…the latest episode of VinCentiments entitled “Online Class” is outright irresponsible, insensitive, and infuriating. The video narrows down learning into the traditional mode wherein it is only facilitated in the classroom. Moreover, it fails to acknowledge that remote learning is not merely limited to conducting online classes. The video also antagonizes teachers by portraying them as harsh and ignorant to the concerns of students. This is a direct insult to educators whose efforts, for the past months, are directed towards adjusting syllabi, curricula, modules, and lesson plans in order to ensure the delivery of quality and compassionate education amidst the pandemic,” ani UP Educ SC.

OPEN LETTER

Hindi rin napigilan ni Prop. Eilene Antoinette Narvaez ang labis na pagkadismaya. Para kay Narvaez, ang pelikula ay napakababaw, napakapabaya, at napakainsensitibo, habang idinidiin na ang mga guro ay tao rin at hindi robot. Mapanganib diumano ang ganitong paglalarawan at ito ay pang-iinsulto sa mga matatalinong kabataang magaling magsuri, matapang manindigan sa tama at prinsipyo.

“Napakamakapangyarihan ng online materials at ang responsableng paggawa ng online content ay kinakailangan sa panahong napakataas na ng pagkabalisa ng lahat ng tao dahil sa kawalang-katiyakan. Gamitin ito para magpalaganap ng tamang impormasyon, at magsatinig at magbigay ng katarungan sa sektor na nananatiling walang tinig at patuloy na naduduhagi ng isang lipunang walang pakialam sa naaaping sektor ng lipunan. Gusto lang bang maraming mag-share? Para saan? Para sa monetisasyon ng maraming views?,” dagdag pa ni Narvaez.

EI

Sinubukan niyang magpadala ng mensahe sa Facebook Page ng VinCentiments. Pero sa halip na makatanggap ng kongkretong tugon, isang simpleng “huwag kang masyadong maoffend today” ang reply ng direktor.

Komprehensibong pampanitikang kritisismo naman ang post ni Louie Jon Sanchez tungkol sa ‘Online Class’ na bagaman sinabi niyang may “attempt” si Yap na pumasok sa lawas ng usaping pang-edukasyon, ang output nito’y masyadong maingat at wala gaanong subtlety. Wika niya, “Sa kasawiampalad, hindi natupad ng palabas ang pangako. Better luck next time!”

Patuloy ang promosyon ni Yap sa ‘Online Class’ kasama ang tatlo pa nitong episodes – Parents Rant, Students Rant, Teachers Rant. At kahit na sandamukal na kritisismo ang sumambulat sa kaniya matapos ang 24 oras at higit 5 milyong views, naninindigan siyang hindi siya hihingi ng tawad at na ang pelikula ay isang likhang maaaring idarang sa maraming pagbasa.

“We will not apologize for hurt that’s TAKEN BY CHOICE. We can only explain our art to you; We cannot UNDERSTAND it FOR YOU.” They watch us not with the intention of UNDERSTANDING, but with the intention of MISREADING the message.” They become the monsters that THEY VOW TO SLAY. They swallow THE POISON AND EXPECT US TO DIE BY IT,” ani Yap.

VINCENTIMENTS-2

Mapapanood ang Online Class at ang iba pang Kung Puwede Lang Short Films sa opisyal na Facebook at YouTube Channel ng VinCentiments.