Nation

PETISYONG MULTI-SECTORAL LUMALAKAS: “‘WAG IPILIT SA AGOSTO 24”

DAHIL umano sa kabiguan ng gobyerno na matugunan ang pangangailangan ng mga guro sa nalalapit na pasukan ay pinaigting ng multi-sectoral group ang pagkilos upang maiurong ang pagbukas ng mga klase na naunang inihayag sa darating na Agosto 24, 2020.

/ 10 August 2020

DAHIL umano sa kabiguan ng gobyerno na matugunan ang pangangailangan ng mga guro sa nalalapit na pasukan ay pinaigting ng multi-sectoral group ang pagkilos upang maiurong ang pagbukas ng mga klase na naunang inihayag sa darating na Agosto 24, 2020.

Sa pamamagitan ng isang petisyon na kasalukuyang pinaiikot para sa bultohang lagda mula sa iba’t-ibang sektor ay inanyayahan ng nangungunang grupong Alliance of Concerned teachers ang mga guro, mag-aaral at kanilang mga magulang na kumbinsihin ang kagawaran ng edukasyon at ang Malacanang na walang saysay ang pagpaptupad ng school opening sa nabanggit na petsa ‘pagkat malinaw umanong hindi handa ang gobyerno, lalo na’t  namimilipit pa ang buong sambayanan at ang ekonomiya ng bansa sa epekto ng pandemya.

Walang eksaktong petsang iminungkahi ang petisyon para sa pagbukas ng klase, maliban sa pahayag na hangga’t hindi napupulido ang mga konkretong plano para sa pagpapatupad nito ay makabubuti umanong iurong muna ito.

Kaisa ng ACT sa pagsulong ng petisyon na maiurong ang school opening ang mga grupong Bagong Alyansang Makabayan, Alliance of Concerned Teachers Philippines, National Union of Students of the Philippines, College Editors Guild of the Philippines, League of Filipino Students, Anakbayan, Student Christian Movement of the Philippines, Kabataan Partylist, ACT Teachers Partylist, Makabayan Coalition, Gabriela, Gabriela Youth, Salinlahi, Kadamay, Coalition for People’s Right to Health, Quezon City Public School Teachers Association, Manila Public School Teachers Association, Amihan, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ang Kilusang Mayo Uno.

Bago pa man umusad ang petisyong “Wag Ipilit ang Agosto 24” ay nanawagan na ang grupo ng militanteng mga guro para sa maaayos at konkretong plano ng Department of Education hinggil sa epektiibong pagpapatupad ng tinatawag na blended o flexible learning sa gitna ng panganib na hatid ng Covid19.

“Walang signipikanteng hakbang na ginawa ang administrasyong kasalukuyan upang resolbahin ang matagal nang krisis sa sistema ng edukasyon na bunga ng deka-dekadang pagtalikod ng gobyerno sa tungkulin nito sa edukasyon,” pahayag ng ACT.

Marami pa ring mga tanong ang grupo na hanggang ngayon ay hindi pa rin umano nasasagot ng DepEd, ‘tulad ng “sasagutin ba ng DepEd ang gastusin kung sakaling magkaroon ng Covid19 ang mga guro dahil sa pakikipag-ugnayan nito sa pamilya ng mga mag-aaral sa ilalim ng tinawag na modular setup?

Dagdag pa ng ACT na ang kapabayaan o ang hindi malinaw na pagtugon sa ng kagawaran sa kapakanan ng mga guro ang dahilan kung bakit hindi ligtas ang kalagayan ng mga paaralan at walang kakayahang magpatupad ng epektibong distance learning ang kasalukuyang sistemang pinaiiral sa isyu ng edukasyon.

Paalaala ng mga nagpetisyon na kamakailan lang ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11480 na nagsasaad na maaring baguhin ang petsa ng pagbubukas ng klase kung nasa ilalim ng state of emergency, kaya naman ay sinabi nilang may kapangyarihan ang Pangulo sa pag-urong ng pagbubukas ng school year 2020-2021.