UNANG LISENSYA SA E-NUTRIBUN PRODUCTION IGINAWAD NG DOST SA DUMAGUETE BAKERY
NAGSIMULA nang magbigay ng lisensya para sa produksyon ng enhanced nutribun ang Department of Science and Technology sa Negros Oriental.
Ang unang nakatanggap nito ay ang Saint’s Baked Delights Bakery na matatagpuan sa Lower Batinguel, Dumaguete City. Isa ito sa mga kliyente ng DOST sa ilalim ng Small Enterprise Upgrading Program.
Ang Saint’s Baked Delights ang unang nakakumpleto ng mga dokumentong hinihingi ng DOST bago makapagsimula ng produksiyon ng e-nutribun kaya nang makapasa sa virtual site inspection ng DOST Food and Nutrition Research Institute ay binigyan na ito ng ‘go signal’.
Ang e-nutribun ay gawa sa mas pinagbuting nutribun recipe noong dekada 70 kung saan mayroon nang humigit-kumulang 500 kcalories sahog ang 244 micrograms ng bitamina A, 17.8 grams ng protina, 6.08 mg ng iron, iodine, at iba pang masusustansiyang mineral. May bigat din itong 160-165 g na sapat para mabusog ang bawat bata.
Nananawagan pa rin ang DOST sa mga may kakayahang umagapay sa gobyerno na lumahok at magprodyus ng masustansiyang nutribun para sa mga mag-aaral sa buong bansa. Kailangan ang bayanihan sa programa para mawaksi ang malnutrisyon habang nagpapatuloy sa pag- aaral ang bawat batang Filipino.
Matatandaang iniulat ng The POST ang pagbibigay-suporta at pagsang-ayon ng mga lokal na pamahalaan sa nasabing programa.
Sa katunayan, noong Nobyembre lamang ay nagsagawa ng pilot e-nutribun giving ang DOST- FNRI Cagayan sa 25,000 daycare students sa 26 bayan ng Lambak sa Cagayan.
Inaasahan naman ni DOST Negros Oriental Director Engr. Gilbert Ablong na magtutuloy-tuloy ang nasabing programa at mas marami pang enterprises ang mabibigyan ng production permit ng DOST.