UP FRESHMAN APPLICATION NAGSIMULA NA
‘HINIHINTAY KA NA NG BAYAN’
Inanunsiyo na ng University of the Philippines System ang pagsisimula ng freshman application ngayong araw, Enero 7.
Nauna nang iniulat ng The POST ang kanselasyon ng taunang UP College Admissions Test dahil sa pandemya. Kung kaya, matapos ang pulong ng Lupon ng mga Rehente noong nakaraang taon ay napagdesisyonan nilang tumanggap ng mga bagong iskolar ng bayan sa pamamagitan ng isang online application.
Imbes na UPCAT ay bumuo ang University Councils ng buong Sistemang UP ng isang komprehensibong prosesong sasala sa husay ng mga Filipinong nagtapos sa Senior High School. Pagsasamahin sa assessment ang academic standing ng aplikante noong hay-iskul pati ang makukuhang marka sa magkakaibang pagsusuri sa bawat kursong aaplayan.
Kailangan ng mga aplikanteng ihanda ang sumusunod na mga dokumento:
- Form 1 o Personal Data Sheet na may pinakabagong retrato at elektronikong pirma.
- Form 2 o High School Records na isusumite ng mismong paaralang pinagtapusan ng aplikante.
- Kailangang ang mga paaralan na magpapadala ng Form 2 ay may rehistradong email sa UP Office of the Admissions. Sakaling hindi pa rehistrado ay kailangan nitong magpadala ng email sa [email protected] upang makapagpatala. Hindi tatanggapin ng UP ang Form 2 kung hindi opisyal na email ng paaralan ang gagamitin.
Walang minimum grade requirement sa pagiging iskolar ng bayan. Gayunpaman, hindi ibig sabihin ng pagsusumite’y awtomatikong pagpasa sa piniling pamantasan.
Hinihintay sa ngayon ang pagbubukas ng application portal sa https://upcollegeadmissions.up.edu.ph/.
Para sa mga konsern o katanungan hinggil sa pagsusumite ng aplikasyon, magpadala ng mensahe sa [email protected] o tumawag sa (02) 8981-8500 local 3827 / 3828 / 3830 / 3831, +63 918 904 9195.
Sa Pebrero 15 ang huling araw ng pagsusumite ng mga dokumento.
Maaari ring puntahan ang Facebook page na UPCAT – U.P. System para sa karagdagang impormasyon.