Nation

DAGDAG NA HIGH SCHOOL SA ILOCOS SUR ISINUSULONG

/ 5 January 2021

LUSOT na sa 2nd reading sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala para sa pagtatayo ng dagdag na national high school sa munisipalidad ng Santa sa Ilocos Sur.

Sa pagbabalik-sesyon ng Kongreso sa Enero 18, inaasahang maaaprubahan na sa 3rd and final reading ang House Bill 8238 na iniakda nina Representatives Kristine Singson-Meehan, Roman Romulo at Eric Yap.

Isinusulong sa House Bill 8238 ang pagtatayo ng Santa National High School sa Barangay Marcos.

Sa explanatory note, iginiit ni Singson-Meehan ang pangangailangan sa pagtatayo ng paaralan sa lugar upang hindi na mahirapan ang mga estudyante sa pagbiyahe patungo sa ibang paaralan.

“The current high schools established could barely accommodate the number of enrollees and are quite far from the center of the town,” paliwanag ni Singson-Meehan.

Ang itatayong Santa National High School ay sasaklaw sa mga estudyante sa siyam na barangay.

Una na ring inaprubahan ng lokal na pamahalaan ng Santa ang isang resolusyon para sa pagtatayo ng public national high school sa kanilang lugar.