37 BAGONG KASO NG COVID19 NAITALA SA PMA
SA KABILA ng pagdedeklara ng lockdown sa Philippine Military Academy sa Baguio City nitong Disyembre ay nakapagtala pa rin ang akademya ng 37 bagong kaso ng Covid19.
Nairekord ang mga positibong kaso sa military campus ng Fort del Pilar matapos na lumabas ang resulta ng 400 swab tests noong Disyembre 16 hanggang 18.
Karamihan sa kanila’y may-edad na 19 hanggang 22, bagaman hindi pa batid kung ang mga may sakit ay kadete, guro, kawani, sundalo, o kapamilya ng mga mag-aaral.
Wala pang opisyal na pahayag ang PMA ukol dito subalit inaasahan na anumang araw ngayong linggo ay magdaraos sila ng press conference.
Noon pa mang Pebrero ay mahigpit na ang seguridad sa akademya kung kaya karamihan sa mga gawain nito’y kinansela na. Matatandaang ang graduation ceremony noong Mayo’y itinuloy ngunit sa unang pagkakatao’y ipinagbawal ang pagdalo ng mga magulang at bisita ng mga nagtapos na kadete.
Ilang classroom activities din ang ginawa na lamang online ng mga instruktor para sa karagdagang kaligtasan.
Kasalukuyang inaalagaan ng PMA at ng Baguio City Health Services Office ang 37 positibo sa Covid19. Sila’y inaasahang ikukuwarentena nang 14 na araw saka muling isasalang sa swab testing.