Nation

SK SOUTH SIGNAL VILLAGE TAGUIG NAMAHAGI NG EDUCATIONAL SUPPLIES

/ 3 January 2021

HANDOG ng Sangguniang Kabataan ng South Signal Village sa Taguig ang kompletong educational supplies pack para sa mga mag-aaral ng lungsod ngayong panahon ng online classes.

Sa Facebook post ni SK Chairman Kenneth Dy Caneda, nakasaad na ang bawat regalo ay naglalaman ng laptop table, power bank, earphones, USB-OTG, USB LED lamp, yellow pad paper, at ballpen.

Para matukoy ang mga mabibigyan ay naglunsad sila ng online registration mula Disyembre 22 hanggang 26. Sinuri nila isa-isa kung ang mga nakarehistro ay lehitimong residente ng barangay, Grade 12 o college student, at rehistradong botante ng South Signal.

Noong Disyembre 29 ay naka-post sa Facebook ang pinal na listahan ng mga benepisyaryo at labis ang kagalakan ng mga mag-aaral sapagkat mayroon na silang magagamit kapag bumalik nang muli ang klase sa unang linggo ng Enero.

Original at photocopy ng certificate of enrollment, barangay ID o clearance, at voter stub ng mag-aaral (o ng magulang kung hindi pa rehistrado) ang mga dokumentong kailangang dalhin sa araw ng distribusyon.

Mensahe ng SK chairman, “no more sana all” dahil ang mga mag-aaral na walang nauutilisang gamit para sa distance learning ay magkakaroon na ngayong malapit nang maipamahagi ang mga regalo.

Tamang-tama rin umano ito sa diwa ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ang programa ay sa pamumuno ni Caneda, kasama ang buong sanggunian na kinabibilangan nina Jean Alvarado, Christine Marie Balano, Earl Patrick Duazo, Angelica Piol, Aherica Dulguime, Rhenee Joyce Rico, at Daniel Siador.

Nagpasalamat naman ang grupo sa taos-pusong pakikiisa ni Kapitana Michelle Odevillas.