Nation

FREE EDUCATION SA SENIORS ISINUSULONG SA KONGRESO

/ 9 August 2020

TATLONG magkakahiwalay na panukala ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa pagkakaloob ng libreng edukasyon sa mga senior citizen na nais na magpatuloy ng kanilang pag-aaral.

Ang mga ito ay ang House Bill 7168 ni Quezon City 5th District Rep. Alfred Vargas; House Bill 4901 ni Manila 3rd District Rep. John Marvin ‘Yul Servo’  Nieto at House Bill 1441 ni Makati City 2nd District Luis Campos, Jr.

Ayon sa mga kongresista, bilang pagkilala sa mahalagang papel ng mga senior citizen sa bansa, nararapat lamang silang pagkalooban ng libreng edukasyon.

Sinabi ni Campos na hindi dapat magsilbing hadlang ang edad upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga senior citizen na nais makapagtapos ng formal education.

“The United Nations Educational, Scientific, and Cultural Ogranization declared that it believes that education is a human right for all throughout life and that access mus be matched by quality,” nakasaad sa mga panukala.

Sa ilalim ng mga panukala, bibigyan ng exemption ang mga senior citizen sa pagbabayad ng tuition sa anumang public school o university na nais nilang pasukan.

Gayunman, kailangan pa ring makatugon ang mga senior citizen sa minimum admission requirements ng mga institusyon kung saan nila  nais mag-enroll.

Nakasaad din sa mga panukala na wala nang karagdagang academic requirements na hihingin sa senior citizen bago mag-avail ng exemption sa pagbabayad ng matrikula.