Nation

MGA GURO SUSI PARA MAPABABA ANG ‘NAMUNDOK’ NA MGA ESTUDYANTE

/ 1 January 2021

PUSPUSAN ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa pagsagip sa mga estudyante na natigil sa pag-aaral makaraang mahikayat ng mga nagpakilalang progresibong grupo na mamundok kasama ang umano’y mga miyembro ng New People’s Army – Communist Party of the Philippines.

Ang NPA-CPP ay kinategorya kamakailan lamang ng Anti-Terrorism Council bilang terorista na ka-grupo ng Abu Sayyaf, Maute at iba pang terrorist groups na nag-o-operate sa Mindanao.

Sa panayam ng The POST, sinabi ni NTF-ELCAC Spokesperson Lt. Gen. Antonio Parlade Jr. na ang susi para mapababa ang mga mag-aaral na namundok ay ang mga guro dahil mataas ang respeto sa kanila at sa kasalukuyan ay mayroon na silang mahigpit na koordinasyon.

Sa record, bago ang ika-52 anibersaryo ng CPP-NPA noong Disyembre 26 ay sunod-sunod ang naitatalang pagsuko ng mga rebelde sa iba’t ibang panig ng bansa.

Sa mismong araw ng CPP-NPA anniversary, iniulat ng NTF-ELCAC at maging ng Philippine National Police na may 37 rebelde ang sumuko, kabilang ang may mataas na ranggo, mula sa Eastern Visayas, Southern Luzon at Caraga.

Sa ulat pa rin ng PNP, sa loob ng 11 buwan  o mula Enero hanggang Nobyembre 2020 ay nasa 2,829 komunistang terorista na ang mga sumuko.

Sa mga sumukong rebelde, ilan sa mga ito ay mga kabataan na nahinto sa pag- aaral at ayon sa source ng The POST ay hihikayating bumalik sa paaralan.

Magkatuwang ang Armed Forces of the Philippines at PNP sa masigasig na pagpapasuko sa mga rebelde sa layuning makamit ang kapayapaan at malasakit din sa mga rebelde na bumalik sa normal ang pamumuhay.

Sa katunayan, para ngayong taon ay isinulong ng AFP at ng PNP ang kasunduan para makabalik sa tamang landas ang mga rebeldeng namundok lalo na ang mga kabataan na karamihan ay mga estudyante na na-recruit habang nag-aaral.

“Gaya natin ay Filipino rin sila, kalahi natin at kung may tyansa pang tulungan para makabalik sa normal na pamumuhay, lalo na ang mga kabataan, why not?” minsang sinabi ni dating PNP Chief, Camilo Pancratius Cascolan nang isagawa ang National Joint Peace and Security Council  Meeting sa Camp Crame noong Setyembre.

Sa nasabing national meeting ng AFP kasama ang iba pang kinatawan ng National Intelligence Coordinating Council, Department of the Interior and Local Government, Office of the Peace Process, National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. at ilan pang youth organization gaya ng Kabataan Kontra Droga at Terorismo, ay nilagdaan ang Joint Letter Directive No. 3 na magtatakda ng pagsusuri para sa parameters at validation procedures para sa mga hakbang na gagawin upang hikayatin ang mga rebelde na magbalik-loob, lalo na ang mga kabataan.

Samantala, sa text message sa The POST, sinabing patuloy ang kanilang pakikipag-usap sa mga guro na tulungan ang mga dating mag-aaral na makababa na mula sa kabundukan habang dagdagan pa ang pagsisikap na ilayo ang kanilang mga estudyante sa grupong naghahangad na mag-recruit.

Isa pa sa ipinaliwanag ni Parlade ay dapat linawing mabuti ng mga guro sa mga estudyante na hindi totoo ang pananakot ng NPA na kapag sumuko ay pahihirapan ng mga sundalo. (May karugtong)