Nation

MGA BATAS PANG-EDUKASYON MATAGUMPAY NA NAISULONG SA GITNA NG COVID19 PANDEMIC

/ 31 December 2020

SA GITNA ng naiibang sistema sa edukasyon ngayong taon, samu’t saring panukala ang isinulong at naisabatas ng dalawang Kapulungan ng Kongreso upang maiangat ang kalidad ng edukasyon at mapangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan.

Ang mga panukala na naisabatas ay sinimulang talakayin sa pagbubukas ng 18th Congress noong July 22, 2019.

Sa kabuuan, tatlong panukala na nakapokus sa edukasyon ang tuluyang naisabatas na habang tatlo pa ang naghihintay ng lagda ni Pangulong Rodrigo Duterte; dalawang panukala ang inaprubahan na sa Senado subalit nakabimbin sa House of Representatives; at dalawa pa ang nakabimbin sa 2nd reading.

Bukod dito, may lima pang resolusyon ang naka-pending sa 2nd reading na nangangahulugan na patuloy na pagdedebatehan ang mga ito sa plenaryo.

Upang mabigyan ng kahalagahan ang mga estudyanteng atleta na nagpapamalas ng kanilang kagalingan sa iba’t ibang kompetisyon at nag-uuwi ng karangalan sa bansa, pinagsikapan ng mga kongresista at senador na maisabatas ang National Academy of Sports.

June 9, 2020 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11470 para sa pagtatatag ng NAS, isang government-run sports academy na pamamahalaan ng gobyerno at magiging attached body ng Department of Education.

Itatayo ang main campus ng NAS sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac at ang itinalagang unang executive director nito ay si Josephine Joy Reyes.

Batay sa batas, ang NAS ay mag-aalok ng secondary education program na may curriculum para palakasin ang performance ng mga estudyante sa sports.

Alinsunod sa batas, pagkakalooban ng full scholarship ang mga natural-born qualified athlete habang makikipag-ugnayan din ang NAS sa Philippine Sports Commission para sa iba’t ibang programa.

June 25, 2020 naman nang lagdaan ng Pangulp ang Republic Act 11476 o ang Good Manners and Right Conduct and Values Education Act.

Inoobliga sa batas ang pagbabalik ng GMRC at Values Education bilang core subjects sa K to 12 curriculum sa pampubliko at pribadong paaralan.

Ituturo ang GMRC sa Grades 1 hanggang 6 bilang hiwalay na subject at isasama rin ito sa arawang learning activities ng Kindergarten students. Ang Values Education naman ang ituturo sa Grades 7 hanggang 10 at isasama rin ito sa current subjects ng Grades 11 at 12.

“Values Education shall inculcate among our students the basic tenets of the observance of respect for oneself, others, and our elders, intercultural diversity, gender equity, ecology and integrity of creation, peace and justice, obedience to the law, nationalism and global citizenship, as well as the values of patience, perseverance, industry, honesty and integrity, and good faith in dealing with other human beings along with all other universal values,” ayon sa batas.

Sa gitna naman ng kinakaharap na Covid19 pandemic, minadali ng mga mambabatas ang pagtalakay sa panukala na magbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na iatras ang pagbubukas ng klase makalampas ng Agosto.

July 20, 2020 nang tuluyang lagdaan ni Duterte ang Republic Act 11480 o ang Lengthening the School Calendar Act.

At dahil dito, nalipat ang pabubukas ng klase para sa school year 2020-2021 sa October 5 dahil na rin sa mga isyu dulot ng pandemya.

Mga panukalang nakabitin pa

Tatlong panukalang batas din ang naaprubahan na ng Kongreso subalit naghihintay pa ng lagda ni Pangulong Duterte bago tuluyang maipatupad.

Ang mga ito ay kinabibilangan ng Alternative Learning System Act, Doktor Para sa Bayan Act at National Higher Education Day.

Layon ng Alternative Learning System Act na mabigyan ng pagkakataong makapag-aral ang mga indibidwal kasama na ang out of school youth na hindi makapasok sa formal education system.

Sa tala, nasa 278,000 learners ang nag-enrol noong 2019 sa ALS program ng Department of Education kaya isinulong ng mga mambabatas na ma-institutionalize ang programa.

Target naman ng Doktor Para Sa Bayan Act na magkaroon ng medical school sa bawat rehiyon sa bansa at mabigyan ng scholarship ang mga nagnanais na makapag-aral ng medisina.

Naniniwala ang mga mambabatas na ito ang isa sa solusyon sa kakapusan ng mga doktor dahil ang magsisipagtapos na medical scholars ay obligadong maglingkod muna sa bayan ng limang taon.

Layon naman ng National Higher Education Day na ideklara ang May 18 ng bawat taon bilang araw para sa mga kawani ng Higher Education sa kanilang mahalagang papel sa sektor ng edukasyon.

Samantala, nakabimbin sa House of Representatives ang Senate Bill 1092 o ang proposed Teaching Supplies Allowance Act na magtataas ng allowance ng mga guro sa P10,000.

Naka-pending naman sa 2nd reading sa Senado ang una nang inaprubahan sa Kamara na proposed Labor Education Act, gayundin ang proposed Services and Programs for Learners with Disabilities.

Ilang resolusyon naman na may kinalaman sa edukasyon ang nakabimbin pa sa plenaryo ng Senado na kinabibilangan ng Senate Resolution 38 o Missing minors allegedly recruited by leftist group; Senate Resolution 34 o ang 55 Lumad Schools for Indigenous Children in Davao Region;  Senate Resolution 41 o ang Inquiry, Displaced Students of the 55 Schools for Indigenous Child at Senate Resolution 41 o Inquiry, Displaced Students of the 55 Schools for Indigenous Children.