Nation

EDUKASYON SA GITNA NG PANDEMYA

/ 31 December 2020

ISA ang edukasyon sa mga sektor na labis na naapektuhan ng kasalukuyang krisis pangkalusugan o pandemya.

Mula nang sumiklab ang coronavirus sa bansa nitong Marso ay libo-libong mga mag-aaral sa Metro Manila ang natigil sa pag-aaral. Iniutos ng pamahalaan ang agarang suspensyon ng klase sa lahat ng antas sa Metro Manila, na siyang sentro ng Covid19, para tiyakin na ligtas ang mga bata at mapigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.

Karamihan sa mga mag-aaral ay nasa kalagitnaan ng school year nang ipatupad ang enhanced community quarantine noong Marso 17 para pigilan ang pagkalat ng virus. Kung kaya karamihan sa mga eskuwelahan ay virtual lamang ang naging graduation ceremony para sa kanilang mga mag-aaral.

Inanunsiyo ng DepEd noong Abril na walang magsasagawa ng tradisyunal na commencement exercise habang nananatili ang banta ng nakamamatay na virus. May mga pamantasan o unibersidad din na pinaikli ang kanilang semestre nang i-extend ang enhanced community quarantine sa Luzon.

Mas pinadali rin ng kagawaran ang curriculum para sa mga mahahalagang lessons para sa inayos na schedule ng pagbubukas ng klase mula Hunyo hanggang Agosto dahil sa epekto sa Covid19.

Nakatakda sanang simulan ang school year sa buwan ng Agosto sa halip na Hunyo dahil sa patuloy na pagtaaas ng kaso ng Covid19 sa bansa subalit naurong ito ng Oktubre para bigyan ng sapat na panahon ang DepEd na matugunan ang mga lohistikal na limitasyon na kinakaharap ng mga lugar na nasa ilalim noon ng modified enhanced community quarantine.

Mula sa tradisyunal na face-to-face classes ay lumipat ang bansa sa blended at distance learning sa gitna ng banta ng Covid19. Kamakailan ay sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang face-to-face classes hanggang walang bakuna laban sa Covid19.

Sa ilalim ng eskemang ito, kinakailangan ng mga mag-aaral at guro ng laptop, internet connection, printed modules o mga aralin na isasahimpapawid sa pamamagitan ng telebisyon o radyo.

Samantala, inihayag ni Education Secretary Leonor Briones na maituturing na ‘generally peaceful’ ang unang araw ng klase para sa school year 2020-2021. Ayon sa kalihim, ito ay maituturing na isang malaking ‘panalo’ laban sa mapaminsalang Covid19 kung kaya binigyang-diin niya na dapat magpatuloy ang edukasyon sa kabila ng mga hamon at pagsubok na kinakaharap ng bansa.

Mahigit 24 milyong mga mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 12 ang nagbalik sa mga pampubliko at pribadong paaralan para sa pagbubukas ng klase. Sa bilang na ito, 22.52 milyon lamang ang nag-enroll sa mga pampublikong paaralan, habang 2.173 milyon naman ang nagpatala sa mga pribadong paaralan ngayong school year.

Nasa 27 milyon ang kabuoang bilang ng mga nag-enroll noong nakaraang school year kung kaya mayroon pa halos tatlong milyong mag-aaral sa public school ang hindi pa nakapag-enroll. Pero in-extend ng kagawaran ang enrollment hanggang Nobyembre para sa late enrollees. Sinabi ng ahensiya na tatanggapin ng mga eskuwelahan ang late enrollees basta maabot ng mga mag-aaral ang 80 porsiyento ng kabuuang bilang ng school days sa bawat school year.

Samantala, kapwa nakaranas ng samu’t saring problema at hamon ang mga magulang at mag-aaral sa paglipat sa online learning sa gitna ng pandemya. Ilan sa mga hamon na narasanan ng mga mag-aaral ay ang pagkaabala at naiibang estilo ng pagtuturo ng kanilang mga magulang sa bahay. Ngunit ang pinakaseryosong problema na nakaharap ng mga mag-aaral ay ang mahinang internet connectivity at kakulangan sa printed modules.

May ilang grupo rin na nakiusap sa pamahalaan na isuspinde ang school year sa gitna ng pandemya subalit sinabi ng pamahalaan na magiging taliwas ito sa Konstitusyon.

Samantala, nilinaw ng DepEd na hindi nila sinabi na naging matagumpay ang pagpapatupad ng blended learning at imo-monitor umano nila ang sistema at magsasagawa ng pormal na assessment bago matapos ang taong ito.

Ang blended learning approach ay gumagamit ng iba’t ibang modality tulad ng modules — printed o digitized — online learning, at television o radio-based instruction.

Kamakailan lang ay inaprubahan ni Pangulong Duterte ang proposal ng DepEd na magsagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang kaso ng Covid19 sa Enero 2021.

Ang pilot implementation ay gagawin lamang sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine o yaong mga may mababang kaso ng Covid19 ngunit mahigpit na susundin ang health at safety standards.

Ipinaliwanag ng DepEd na hindi sapilitang isasali ang mga mag-aaral sa pilot testing at maaaring ipagpatuloy ang kanilang distance learning set-up. Dagdag pa ng ahensiya na ang mga piling paaralan ay hihingi muna ng consent sa mga magulang kung papayagan ba nila ang kanilang mga anak na sumali sa limited face-to-face classes.

Subalit biglang nag-iba ang ihip ng hangin nang atasan ni Pangulong Duterte noong Sabado, Disyembre 26, ang DepEd na kanselahin na ang face-to-face classes dahil sa banta ng bagong variant ng Covid19.

Nakatakda sanang ipatupad ng ahensiya ang face-to-face classes sa susunod na buwan sa ilang bahagi ng bansa na may mababang panganib ng virus.

“I cannot take the risk of allowing the children. That would be a disaster actually,” sabi ng Pangulo sa kanyang opening statement matapos magpatawag ng emergency meeting kasama ang IATF.