Nation

SOLONS SA DEPED: MAGPAKATOTOO KUNG KAYA ANG AUG 24 CLASS OPENING

/ 9 August 2020

MAHIGIT dalawang linggo bago ang Agosto 24, hinimok ng mga kongresista ang Department of Education na magpakatotoo kung kakayanin nilang tugunan ang itinakdang pagbubukas ng klase.

Sa hearing ng House Committee on Basic Education and Culture, ipinaalala ng chairman nito na si Pasig City Rep. Roman Romulo sa DepEd na pinirmahan na ni Pangaulong Rodrigo Duterte ang batas para sa posibleng pag-aatras pa ng class opening.

Sa kabila na naninindigan ang DepEd na handa na ang mga module na gagamitin para sa modular learning, iniulat ng iba’t ibang kongresista na mismong sa kani-kanilang mga distrito ay hindi pa natatapos ang pag-iimprenta  ng mga module na gagamitin kahit sa unang quarter ng academic year 2020-2021.

Sinabi ni Romulo na mas makabubuti kung mabigyan pa ng kahit kaunting palugit ang ahensiya upang mailatag nang maayos ang isinusulong na bagong modality sa pag-aaral.

“I think lahat naman recognized  ang effort ng mga teacher, principal hanggang kay Secretary Liling Briones. Minsan lang nagpapaalala kami dahil ang hindi ninyo pagtulog, lahat ng effort, ayaw natin masayang ‘yun. Gusto natin maayos ang umpisa ng ating klase,” pahayag ni Romulo.

Kinilala rin ni Batangas 4th District Rep. Lianda Bolilia ang pagsisikap ng mga guro, school personnel hanggang sa mga opisyal ng DepEd upang matugunan ang mga pangangailangan sa pag-aaral.

“Let us give DepEd a chance. Sa kabila ng pag-iingat sa kalusugan, hindi naman puwedeng pabayaan ang edukasyon ng kabataan kung may magagawa namang paraan. But if they are not really ready to go, they should be honest to tell us and we will give them time to prepare,” pahayag ni Bolilia.

Binigyang-diin naman ni Laguna 2nd District Rep. Ruth Mariano Hernandez na mahirap ang hilaw na implementasyon at mas makabubuting iatras ang pagbubukas ng klase upang matiyak ang dekalidad na edukasyon.