ESTUDYANTE PINAGMULTA NG DOST-SEI DAHIL SA SCHOLARSHIP BREACH OF CONTRACT
USAP-USAPAN ngayon sa Facebook ang post ng isang estudyante matapos siyang padalhan ng liham ng Department of Science and Technology-Science Education Institute hinggil sa multa nitong P180,320 dahil umano sa breach of contract.
“I want to die. Wala pa nga akong trabaho lubog na ako sa utang,” pahayag ng mag-aaral ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman at dating DOST-SEI Merit scholar.
Kuwento niya, siya’y pumasok sa UP sa kursong BS Chemical Engineering. Matapos ang dalawang taon ay lumipat siya sa kursong BS Physics, sa parehong unibersidad.
Noong una’y kampante siya hanggang sa makatanggap ng liham mula kay DOST-SEI Director Dr. Josette Biyo na nagsasabing ang ginawa niya’y paglabag sa pinirmahang kontrata.
“Per scholarship policy, the latest allowable period for shifting of degree program and/or transfer of school is during the Second Semester of the Second Year. Based on your submitted Notice of Acceptance, you have been admitted under the BS Physics program effective the First Semester of AY 2020-2021 and are already in the third year. As such, you are considered to have breached your scholarship contract with DOST-SEI and shall refund the total financial assistance you received by 12% interest,” nakasaad sa liham ni Biyo.
Nakakabit dito ang breakdown ng dapat bayaran sa pagtatapos niya sa kolehiyo. Nasa P140,000 ang stipend, P20,000 ang book allowance, at P1,000 P.E. allowance na nagkakahalagang P161,000. Pinatungan pa ito ng 12 porsiyentong interes kaya umabot sa P180,320.
“Upon completion of your degree and once you are already employed, you may refund in full or pay the amount in staggered terms over a period of 12 months. The schedule of payment will be indicated in a Supplemental Agreement to be signed by you and a co-maker,” sabi pa sa liham.
“Final clearance will be issued to you once the financial obligation is fully paid.”
Labis itong inaalala ng mag-aaral lalo pa’t hindi pa siya nakapagtatapos ng pag-aaral ay mayroon na agad siyang utang na hindi naman talaga umano dapat bayaran, kung iimbestigahan.
Wala umano silang kopya ng kontrata at walang abiso ang DOST-SEI tungkol sa pagbabago ng panuntunan hinggil sa paglilipat-kurso kaya ikinagulat niya ang mga sulat sa kaniya ng kagawaran.
“This is 180,000 pesos and wala kaming copy ng contract namin. We were not aware na nag-iba na pala ang shifting rules for DOST scholars as compared sa previous rules na naka-post sa website nila,” sabi niya.
“Sino ang magsa-suffer]? Magulang ko, magiging asawa, at mga anak ko — I’ve seen [kung gaano] kalaking problema ang naidulot ng utang and I don’t want anyone else to suffer sa kalokohang ito,” pahayag ng estudyante.
Sa ngayo’y mayroon nang 410 shares at halos 1,000 reactions ang Facebook post. Wala pa ring pahayag ang DOST ukol sa bagay na ito.