Region

P10K PEACE FUND IGINAWAD SA 5 BANGSAMORO YOUTH ORGS

/ 22 December 2020

LIMANG organisasyong pangkabataan mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang nakatanggap ng tig-P10,000 na pondo para sa kani-kanilang peace-advocating project proposals.

Ang pondo ay nagmula sa BARMM Ministry of Public Order and Safety bilang proyekto kaakibat ng unang taon ng Bangsamoro Peace Promotion Fellowship na may temang ‘iMPOSing Peace’.

Ang fellowship program ay ginanap noong Disyembre 15-17 sa Initao, Misamis Oriental na dinaluhan ng higit sa 50 kabataang Bangsamoro na may pagnanais na magsulong ng usaping kapayapaan sa rehiyon at sa buong bansa.

Sa tatlong araw, ang mga kalahok ay nagsanay ukol sa conflict analysis, monitoring, reporting, advocacy setting, mobile journalism, at project proposal-writing. Nagsidalo rin sila sa mga talakayan ukol sa mga programang pangkapayapaan sa Sulu at Basilan, seguridad ng mga kabataan, transition extension, at kasaysayan ng usaping kapayapaan sa Mindanao.

Limang pangkat ang itinanghal na may pinakamahusay na project proposal at nakatanggap ng gantimpala’t suporta mula sa BARMM-MPOS. Sila ay mula sa mga lalawigan ng Maguindanao, Lanao del Sur, North Cotabato, at Davao.

Isa sa mga nagwagi ang mga kabataang proponent ng programang Ungaya: Bangsamoro Provincial Peace Fellowship sa pamumuno ni Datutie Labas, Jr., 18 taong-gulang.

“Nagpapasalamat ang team ko sa Bangsamoro Government dahil nagbigay sila ng pag-asa sa mga katulad naming mga kabataan. On the grant prize given by MPOS, sobrang laking tulong nito sa pag- implementa ng aming inisyatibo at plano,” sabi ni Labas, sampu ng pagpapaliwanag niyang ang Ungaya’y mas makapagpapaigting sa nasimulang mga pagkilos ng MPOS.

Matagumpay ang buong programa, ayon kay MPOS Peace Officer Sittie Janine Gamao. Sinabi niya na sa anumang usaping pampamahalaan, ang boses ng kabataa’y marapat na ilangkap sa tuwina dahil sila mismo ang nakararanas ng mga suliraning angkla sa kapayapaan at seguridad.

Bunsod nito, naniniwala siyang maisasakatuparan ang mga programa ng mga kabataang nagwagi sa iMPOSing Peace Fellowship.

“Gusto ko kayong i-remind na kahit wala kayo sa gobyerno katulad namin, kayang-kaya ninyong iimplementa ang inyong mga magagandang adhikain sa inyong mga lugar,” mensahe ni Gamao.