‘PANDEMYA’ ANG SALITA NG TAON 2020
‘PANDEMYA’ ang napili sa 10 nominado bilang Salita ng Taon 2020 ng Filipinas Institute of Translation noong Sabado, Disyembre 19.
Ang Edisyong 2020 ay nakatutok sa mga salitang bahagi ng bokabolaryong pandemya, tugma sa kasalukuyang suliraning nararanasan ng Filipinas.
Ayon kay Prop. Zarina Joy Santos, ang tagapagtanggol ng salitang ‘pandemya’, mula sa Unibersidad ng Pilipinas Diliman-Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas, ang salitang ito ay tumutukoy sa “paglaganap ng sakit, pandemiko, laganap, talamak, kalat na sakit; panlahatan; pambalana; unibersal; hawa-hawa, may epidemya.”
Sa paghirang sa ‘pandemya’ bilang Salita ng Taon 2020 ay sinuri ang lalim ng saliksik, ang dalas ng pagmutawi sa bibig ng mga mamamayan, ang kasikatan ng bokabolaryo, at ang imahen nito sa social media at araw-araw na pamumuhay.
Sa presentasyon ni Santos, sinabi niya na ang lahat ng salitang nominado sa patimpalak ay nakaugat sa mismong pandemya kaya nararapat na ito ang hiranging salita ng 2020.
Dagdag pa niya, hindi naman bago ang ‘pandemya’ bilang salita subalit ngayong taon lamang labis na naintindihan at ginamit sa Filipinas.
Napagwagian ni Santos ang halagang P3,000 at gift pack mula sa mga isponsor.
Ikalawang puwesto naman ang ‘social distancing’ ni Prop. Yol Jamendang at ikatlo ang ‘contract tracing’ ni Romeo Pena.
Kasama sa 10 nominadong salita ang 2020, ayuda, blending learning, quarantine, testing, virus, at webinar.
Taong 2004 nagsimula ang Sawikaan: Salita ng Taon at ito’y ginaganap kada dalawang taon, halinhinan sa proyektong Ambagan sa pagsusulong at pagpapalalim ng pambansang wikang Filipino.