MGA ESTUDYANTE NA SASALI SA DRY RUN NG FACE-TO-FACE CLASSES LILIMITAHAN
INIHAYAG ng Department of Education na kanilang lilimitahan ang bilang ng mga mag-aaral sa bawat silid-aralan sa dry run ng face-to-face classes sa low Covid-risk areas.
Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, hindi sasailalim sa full class size at full week schedule ang mga mag-aaral dahil combined pa rin ito sa distance learning.
“Hindi po magiging full class size tayo at saka full schedule na nakagawian natin sa normal class situation. Ito po ay blended pa rin sa distance learning at kaya ginagawa ito na sinasamahan natin ang face-to-face ay para ma-compliment ng mga bagay na maaaring gawin sa face-to-face sa loob ng paaralan,” sabi ni Malaluan sa Laging Handa briefing.
“Pero hindi all the schedules for the week kung hindi mayroon lamang schedule ng face-to-face, siguro ay it can be and we are giving our regions based on their class management at saka doon sa instructional design nila ng flexibility, pag-schedule kung isang beses o dalawang beses sa isang linggo o kada dalawang linggo ito,” dagdag pa ng opisyal.
Sinabi niya na ang maximum class size ay mula 15 hanggang 20 estudyante lamang para masiguro na nasusunod ang physical distancing sa loob ng silid-aralan.
“Hindi po magiging — ang class size po natin ay between 30 to 40 at hindi pupuwedeng ganyan ang class size natin dahil kung magiging puno iyong mga bata sa loob ng silid-aralan ay hindi magagawa iyong physical distancing. So, ang atin pong maximum sa isang classroom ay between 15 to 20 lamang ang bata na maaaring i-accommodate in class,” sabi ni Malaluan.
Bukod dito, lahat ng safety at health standards, gaya ng proper distancing, pagsusuot ng face mask at face shield at palagiang paghuhugas ng kamay ay ipatutupad kasama ang symptom-based screening ng mga bata.
Sinabi pa ni Malaluan na sasailalim muna sa symptom-based screening ang mga guro bago sumabak sa dry run.
“Hindi po necessary na may rapid test ang mga guro, ito po ay symptom-based screening tayo. Subalit kung doon sa pag-uusap ng local government units na kailangan ang kanilang conformity, ito ay makakapag-source tayo for rapid testing ay mabuti po,” dagdag ni Malaluan.