DEPARTMENT OF TECHNICAL EDUCATION AND SKILLS DEVELOPMENT PINABUBUO
ISINUSULONG ni Manila 3rd District Rep. John Marvin ‘Yu. Servo’ Nieto ang pagtatatag ng hiwalay na departamento para palakasin pa ang Technical Education and Skills Development Authority.
Sa House Bill 5433 o ang proposed Department of Technical Education and Skills Development Act, sinabi ni Nieto na dapat nang ma-upgrade ang TESDA bilang hiwalay na kagawaran.
“Twenty-five years since their creation, TESDA has become the leading authority in ensuring that technical education and skills development is relevant, efficient, accessible and of high qaulity,” pahayag ni Nieto sa kanyang explanatory note.
Gayunman, nagkakaroon ng mga problema ang TESDA sa pagpapatupad ng mga programa dahil sa mga pagbabago sa local at global environment na kinakailangan nitong tutukan.
Sa kasalukuyang sitwasyon, ipinaliwanag ng kongresista na may limitasyon ang TESDA sa maaari nitong gawin na masosolusyunan kung itataas ang antas nito bilang departamento.
“TESDA must address the need for modern facilities and equipment in order to be at par with the requirements of the challenged posed by the onslought of Industrial Revolution and other advancements that may happen in the future,” dagdag ni Nieto.
Iginiit ni Nieto na panahon na upang magkaroon ng karagdagang suporta ang TESDA mula sa gobyerno dahil sa lawak ng kontribusyon nito para sa mamamayan.
Alinsunod sa panukala, ang bubuuing DTESD ang magsisilbing pangunahing ahensiya para sa pagbuo ng mga polisiya, pagpaplano, koordinasyon at pagpapatupad ng mag programa sa technical education and skills development.
Bubuuin ito ng Office of the Secretary at iba pang bureau, services, regional at provincial hanggang district offices.
Sakaling maging batas, magkakaroon din ng Technical Education and Skills Development Fund na magmumula sa pondo ng national governmemt, kontribusyon mula sa Overseas Workers Welfare Administration Fund at mga donasyon o grants.