APELA NG YOUTH GROUPS SA GOBYERNO: RED-TAGGING ITIGIL NA
NANAWAGAN sa pamahalaan ang iba’t ibang grupo ng mga kabataan na itigil na ang red-tagging sa kanilang hanay.
Sa isang press conference, sinabi ni Kabataan Partylist Rep. Sarah Elago na dapat nang itigil ng gobyerno ang pag-atake sa mga kabataan.
“Enough of this discriminatory and dangerous practice of red-tagging that limits our potential. No to red tagging, stop the attacks, stop the crackdown on youth dissent and activism,” sabi ni Elago.
Ayon sa kongresista, ang red-tagging ang isa sa pinakamalaking problemang kinakaharap ng mga kabataan sa kasalukuyan.
“Vilification and criminalization of outspoken and activist youth through red tag and terrorist tagging are the biggest obstacles to the full enjoyment of the fundamental rights and freedom by young Filipinos today,” wika ni Elago.
Sa parehong press conference, sinabi ni National Union of Students of the Philippines President Jandeil Roperos na ginagawa ang red-tagging upang pagtakpan ang kapabayaan ng administrasyon.
“Hanggang sa ngayon, patuloy ang red-tagging ng estado sa mga estudyante at lehitimong organisasyon na nananawagan para sa ating mga karapatan dahil ito ang nakikita niyang paraan para pagtakpan ang kapalpakan at kapabayaan niya sa pagtugon sa pandemya at mga nagdaang kalamidad,” giit ni Roperos.
Samantala, magsasagawa ng kilos-protesta ang mga grupo ng kabataan sa Disyembre 10, ang International Human Rights Day, upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.
“Sa Disyembre 10, International Human Rights Day, kikilos ang lakas ng kabataan upang ipanawagan ang pagbuwag sa NTF-ELCAC at pagbasura sa terror law ni Duterte,” sabi ni Anakbayan National Deputy Spokesperson Jeann Miranda.
Lalahok din sa kilos-protesta ang Youth Act Now Against Tyranny, Student Christian Movement of the Philippines, League of Filipino Students, College Editors Guild of the Philippines, Panday Sinin, Tulong Kabataan, University of the Philippines-Diliman, Alyansang Tapat sa Lasallista at Kalayaan Party.