Nation

P400-M ISININGIT NA BUDGET SA DOE INILIPAT SA DEPED 

/ 6 December 2020

KINUMPIRMA ni Senador Sherwin Gatchalian na may P400 milyon na alokasyon mula sa Department of Energy ang inilipat nila sa Department of Education sa ilalim ng proposed 2021 national budget.

Ayon kay Gatchalian, sa kanilang pagbusisi sa budget ay nasilip nila ang naturang budget bilang lumpsum sa DOE.

Sinabi ni Gatchalian na walang malinaw na detalye ang P400 milyon na isiningit sa inaprubahang General Appropriations Bill ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.

“Sa DOE mayroon kaming tinanggal na almost P400 million, wala namang basis, so tinanggal namin, ang mga ganito dapat metikoloso tayo,” pahayag ni Gatchalian.

Nang tanungin ang senador kung sino ang nagsingit, sumagot ito na, “Nanggaling sa House kasi sa proseso sa National Expenditure Program, wala naman ang P400 milyon. Nung sinubmit ng House, mayroon na.”

Idinagdag pa ng senador na maging ang DOE ay hindi nakapagsumite ng karagdagang dokumento para depensahan ang P400 milyon na item.

“So, tinanggal namin. Lumpsum ito, hindi natin alam saan ilalaan. Ang DOE sumang-ayon naman sila na hindi sila humingi,  so tinanggal namin ‘yun at inilagay sa Education,” paliwanag pa niya.

Una nang iginiit ni Gatchalian ang pagdaragdag ng pondo para sa  pag-iimprenta ng self-learning modules, gayundin sa pagkakaloob ng mga pangangailangan ng mga guro at estudyante sa distance learning.