Region

RADIO BROADCAST NG DEPED CEBU LEARNING MODULES AARANGKADA NA SA ENERO 2021

/ 29 November 2020

MAAARI nang mapakinggan sa radyo ang pagtalakay ng mga guro tungkol sa self-learning modules ng Department of Education simula sa Enero 2021.

Ito ay ayon sa anunsiyo ni Cebu City Mayor Edgardo Labella noong Huwebes, Nobyembere 26.

Sa katunayan ay kasalukuyan nang nagaganap ang 17-day training-workshop ng piling mga guro sa elementarya at sekundarya hinggil sa implementasyon ng educational radio sa buong lungsod ng Cebu bilang katuwang ng mga printed module habang ang mga bata ay nananatili pa rin sa loob ng tahanan habang nag-aaral.

“I am happy that our educators have learned from Home Radio station manager Ringo Mercado as part of the radio broadcasting training that our Local School Board  continues to facilitate,” wika ni Labella.

“They are preparing now for the modules-on-air that is seen to tickle the imagination of the students and to entice them to learn more,” dagdag niya.

Tiniyak ni Labella na simula Enero’y eere na ang mga aralin sa Music, Arts, Physical Education, and Health, Science, Mathematics, English, Mother Tongue, Edukasyong Pangkabuhayan at Pangkalusugan, Araling Panlipunan, at iba pa.

Pinondohan ng lokal na pamahalaan, kasama ng Schools Division Office ng Cebu, ang inisyatibang ito upang mas maging aksesibol ang mga materyales sa lahat ng mga mag-aaral nang hindi nangangailangan pang gumastos ng malaki sa mobile data o internet connection.