PAGTATAYO NG MEDICAL SCHOOL SA SOUTHERN LUZON STATE U LUSOT NA SA HOUSE PANEL
INAPRUBAHAN na ng House Committee on Higher and Technical Education ang panukala para sa pagtatayo ng medical school sa Southern Luzon State University main campus sa Lucban, Quezon.
Sa pagdinig ng komite, nagkasundo ang mga miyembro na aprubahan ang House Bill 7857 o ang proposed Southern Luzon State University College of Medicine Act ni Quezon 4th District Rep. Angelina Tan.
Sa pagtalakay, iginiit ng administrasyon ng SLSU na ang pagnanais nitong magkaroon ng sariling medical school ay paghahanda na rin sa pagpapatupad ng Doktor para sa Bayan o ang Medical Scholarship Bill.
Ang panukala ay inaprubahan na ng dalawang kapulungan ng Kongreso at naghihintay na lamang ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinaalala naman ng Commission on Higher Education sa administrasyon ng paaralan na bagama’t wala silang tutol sa pagtatayo ng medical school ay kinakailangan lamang sundin ang lahat ng requirement para rito.
Sa paghahain ng panukala, binigyang-diin ni Tan na malaking tulong ang pagtatayo ng medical school sa SLSU para tugunan ang kakapusan ng mga doktor sa bansa.
Alinsunod sa panukala, magkakaroon na ang SLSU ng Doctor Medicine Program na four-year baccalaureate program na bubuuin ng basic science at clinical course para sa professional physicians sa Philippine healthcare system.
Pinatitiyak din sa panukala ang pagbuo at implementasyon ng National Health Human Resource Master Plan para sa polisiya at mga estratehiya na akma sa recruitment, retraining, regulation, retention at reassessment ng heath workforce batay sa pangangailangan ng populasyon.