Nation

LEARNERS WITH DISABILITIES TIYAKING HINDI MAIIWAN SA EDUKASYON — LAWMAKERS

/ 25 November 2020

NAGKAISA ang mga senador sa paninindigan na hindi dapat mapag-iwanan sa edukasyon, hindi lamang ang mahihirap na mga bata, kundi maging ang mga learners with disabilities.

Sa pagsusulong ng Senate Bill 1907, binigyang-diin ng mga senador na sina Sherwin Gatchalian, Joel Villanueva, Bong Revilla, Nancy Binay, Pia Cayetano, Cynthia Villar, Lito Lapid at Richard Gordon na kailangang bigyan ng espesyal na atensyon ang mga programa para sa children with special needs.

Iginiit ng mga senador na panahon na upang magtayo ng Special Education Center sa bawat lungsod at munisipalidad at buhusan ito ng nararapat na pondo.

Sa pahayag ni Gatchalian, pangunahing sponsor ng panukala, nasa dalawang porsyento ng 25 million Filipino learners ang itinuturing na learners with disabilities.

“Ang gusto po nating mangyari ay matugunan ang pangangailangan ng ating mga learners with disabilities para hindi sila napipilitang mag-drop out at mahikayat ang mas marami pa sa kanila na pumasok sa eskuwela,” pahayag ni Gatchalian.

Nakasaad sa panukala ang pagbabawal sa mga public at private basic education school na tumanggi sa pagpasok ng sinumang mag-aaral na may kapansanan.

Isinusulong ni Gatchalian na maging modelo ng itatayong Learning Centers ang ginawa nilang Valenzuela Special Education Center.

“Sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng krisis na ating kinakaharap, lalong dapat nating tutukan ang mga mag-aaral na may kapansanan at siguraduhing hindi sila maiiwan. Kailangang patuloy silang mabigyan ng dekalidad na edukasyon, kasama na ang mga serbisyo para sa kanilang kapakanan at kalusugan, tungo sa kanilang kinabukasan,” dagdag ni Gatchalian.

“Naniniwala po tayo na kailangan ang panukalang batas na ito para mabigyang-daan ang training at hiring ng mas maraming SPED teachers sa DepEd at mabago rin ang kalakaran sa pagtatayo ng mga SPED Centers,”pahayag naman ni Villanueva.

Ibinahagi naman nina Cayetano at Gordon ang personal na karanasan sa kanilang mga mahal sa buhay na special child.

Sinabi ni Cayetano na hindi lamang sa pagpapasa ng batas dapat matapos ang kanilang trabaho kung hindi dapat ay tiyakin ng mga mambabatas na nabuhusan ng pondo ang mga programang ito para sa mga learners with disabilities.

Kinatigan ito ni Gordon at sinabing ang mga batas para sa kapakanan ng mga learners with disabilities ay dapat na simula pa lamang ng mahabang ‘journey’ ng mga mambabatas dahil tiyak na marami itong magiging aberya.